Birthday nanaman ni pareng Kevin. Bilang napakabait niyang kaibigan, nais kong handugan siya ng kakaibang regalo. Isang video tape na naglalaman ng pagbati mula sa kanyang pamilya at iba pa naming barkada. At dahil ako ang may pakana, ako dapat ang bida.
"Pareng Kevin, maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin. Napakabait mo at..." bigla akong napatigil sa kalabog na narinig sa labas. Surpresa dapat ito kaya minabuti kong magtago sa likod ng kabinet.
May pumasok sa loob ng silid. Hindi lang isa kung ang mga yabag ang pagbabasehan. Hindi ako mapakali... Bukod sa prof kong naka-uwi na sa kanila, ako lang ang may susi sa kwartong iyon ng eskwelahan. Sino kaya ang mga ito? Hindi naglaon, umalis din ang mga pumasok sa kwarto. Nakapagtataka...
Lumabas ako mula sa kintataguan ko. Ano kaya ang pinagusapan ng mga iyon? Doon ko napansin na naiwan ko pala ang videocam ko sa may lamesa at patuloy ang pagrecord nito. Sinilip ko...
"Pareng Kevin, maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin. Napakabait mo at..."
" ... "
"Sigurado ka bang walang makakarinig sa atin dito?"
"Oo. Asar. Ang sabi sa akin andito pa si Kevin. Mag-isa at nagaayos ng gamit."
"Teka, nagtext si Titus. Nasa bilyaran daw ulit ang kumag."
"Gagong Kevin yun. Sa wakas... makakabawi na rin ako sa kanya. Patay siya sa akin."
"Tara na. Naghihintay na daw sa atin si Titus sa may labasan. Tambangan na natin siya dun sa bilyaran. Wala pa masyadong tao dun ng ganitong oras."
Kevin. Bilyaran. Bigla akong kinilabutan.
"The number you dialed is out of coverage area..."
"Asar! Bakit kasi hindi pa bumili ng bagong cellphone si Kevin eh."
"Hello pareng Roger! Nasaan ka?"
"Kasama ko si Dee. Ihahatid ko na siya sa kanila. Bakit?"
"Pauwiin mo muna siya mag-isa tol. Emergency lang. Kailangan kita ngayon na mismo."
"Ha? Bakit nga?"
"Basta hihintayin kita sa tindahan ni Aleng Fifi."
Hindi ko na hinintay pa ang sagot niya. Hindi maganda ang kutob ko. Iilan lang ang may pangalang Kevin sa paaralan namin at paborito nitong tambayan ang bilyaran. Sino kaya ang mga taong ito at bakit gusto nilang saktan si Kevin? Ang alam ko'y walang kaaway ito bilang masayahin at palakaibigan ito. Maliban na lang kung...
Anak ng tinapa. Hindi kaya kasama sila sa mga listahan ng mga natalo ni Kevin sa bilyaran? Madalas nakikipagpustahan ang mokong na iyon sa kung sinu-sino. Palibhasa, walang makatalo sa kaniya sa bilyaran. Ang masama pa, ilang beses na rin siyang napaaway sa mga talunang "nadaya" daw nito. Sana mali ang iniisip ko. Pagdating ko kina aling Fifi, nakita ko ang dalawang lalaking nakunan ko sa video na nagaantay sa labas ng bilayaran. Naunahan ako. Kailangan ko na ng tulong...
"Hello police department..."
Bigla akong hindi makapagsalita. Si Kevin... Isinakay ng sapilitan sa puting sasakyan. Kalma lang. Hinga.
"Hello pulis. May irereport po akong..."
Anak ng tinapa! Battery Empty. Kumaliwa na ang sasakyan at hindi ko nakuha ang plate number ng sasakyan. Kalma lang. Hinga.
"Buknoy!"
"Roger! Huwag ka nang bumaba diyan sa motor. May hahabulin tayo. Dali!"
"Teka lang. Sino bang hinahabol natin?"
"Si Kevin. Tinangay ng dalawang lalaki. Bilis. Liko ka sa kaliwa."
"&^*% Buknoy! Wala ako sa mood sa mga trip mong ganyan ah!"
"Hindi ako nagbibiro. Basta direstso ka lang."
Hindi naglaon, naabutan rin namin ang puting sasakyan.
"Iyan na iyon... Huwag kang magpahalata. Distansya tayo ng kaunti."
"Sigurado ka bang sila iyan?"
"Oo."
Ilang kanto rin ang nilikuan nito bago tumigil sa isang garahe. Unang lumabas ang drayber ng sasakyan. Lumingon-lingon sa paligid. Nang masiguro nitong walang ibang tao sa paligid, pinalabas niya ang mga tao sa sasakyan. Lumabas ang dalawang lalaki na nakunan ko sa video at kasunod nila si pareng Kevin. Nakapiring.
"Anong gagawin natin?"
"Nasaan ang cellphone mo? Kailangan nating tumawag sa pulis."
"Pinahiram ko kay Dee. Nasira kasi cellphone niya eh."
"Anak ng... Walang kwenta ang mga cellphone na iyan!!!"
"Ano na ang gagawin natin?"
"Hindi nating pwedeng pabayaan si Kevin. Tatlo silang may hawak sa kanya. Kaya natin sila. Walang atrasan."
Pumasok ang mga lalaki sa loob ng bahay. Pumulot ako ng malaking bato. Hindi ako sanay makipagbasag-ulo pero hindi namin pwedeng pabayaan si Kevin. Nang malapit na kami sa pinto, biglang nagliwanag ang buong kabahayan! Marami ang nagsisigawan! Ano na ang nangyayari? Napatakbo kami ni Roger at nang buksan namin ang pintuan...
"Happy Birthday to you. Happy Birthday, Happy Birthday... Happy Birthday to you..."
Halos mawalan ako ng malay. Nakita ko ang mga lalaking dumakip kay Kevin na nakikipagtawanan sa kaniya. Ang mga ibang tao sa loob ay pawang pamilar ang pagmumukha... Tama. Madalas ko silang makita sa bilyaran.
"Hoy Buknoy! Roger! Anong ginagawa niyo dito?"
"Ah.. Eh..."
"Nasabihan ba kayo ng mga ito? Walanghiya... kinabahan ako kanina. Halos maihi ako sa pantalon ko. Iba talaga magbigay-pugay ang grupo ng mga tambay sa bilyaran. Surprise party daw para sa hari! Haha."
Biglang lumapit ang mga "kidnapers."
"Sabi ko sayo Kevin eh. Makakabawi din ako sayo. Pamatay ba ang surpresa namin sa HARI?"
"Ulol! Haha. Mga kaibigan ko nga pala. Si Roger at Buknoy."
"Buti nakapunta kayo mga tol. Kain lang kayo ah."
"Sa-Salamat."
Nakakahiya. Muntik pa ako tumawag ng pulis. Buti na lang puro walang kwenta mga cellphone namin. Haaay. Naghanap muna ako ng banyo bago kumain. Andito na rin lang ako, itinuloy ko na iyong video ko. Maayos pa naman ang hitsura ko... Hindi nagsisinungaling ang salamin.
"Pareng Kevin, maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin. Napakabait mo at..."
Bigla akong napahinto. May papasok ng banyo. Nakakahiya kung maabutan nila akong nagrerecord ng video kaya pumasok muna ako ng cubicle.
"Sigurado kang walang tao?"
"Oo. Wala pang pumapasok dito."
Sila ulit?
"Tuloy pa rin tayo mamaya. Walang magsususpetsya."
"Nakahanda na lahat ng gamit natin."
"Mabuti. Magpasarap ka na ngayon Kevin. Pagkatapos nito, patay ka sakin."
Anak ng tinapa!