Sep 18, 2012

Ang Paglaya

"Gaano mo ako kamahal?" tanong ni Francis sa kanyang asawa.

"Unang tingin ko pa lang sayo, iba na ang naramdaman ko. Alam ko magiging parte ka ng buhay ko. Hindi ko alam kung ganun ka rin sa akin pero alam ko, dun pa lang, nagkaroon ka na ng puwang sa puso ko."

"Alam mo ba na matapos kitang ihatid nung unang date natin, hindi agad ako umalis. Andun lang ako sa labas ng gate. Mahigit isang oras."

"Ha? Akala ko umalis ka pagkasara ko ng gate. Anong ginawa mo dun?"

"Tumingin lang ako sa langit. Nagpasalamat. Antagal kong naghintay ng isang taong gaya mo..."

"Gaya ko?"

"Gaya mo. Maganda. Mabait. Mapagbigay sa kapwa. Nangako ako sa Kanya na ibigay ka lamang Niya sa akin, araw-araw kitang paliligayahin... na mamahalin kita ng higit pa sa sarili ko. Dininig Niya ang panalangin ko, sinagot mo naman ako kinabukasan."

"Ang talino mo kasi... sa Kanya ka pa humingi ng pabor."

" ... "

"Naalala mo nung nagpropose ako sayo? Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Parang nabuo ang puso ko nang tanggapin mo ang singsing. Walang paglagyan ang saya ko nun... parang lahat perpekto. Maganda ang kalangitan. Maganda ang musika. Maganda ang pangyayari. Napakaganda mo sa suot mong pulang bestida."

"Naalala mo pa ang lahat ng iyon?" hindi na mapigil ni Karen ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga pisngi.

"Oo naman. Doon nakumpleto ang buhay ko. Doon nagsimula ang pangarap ko na kasama ka."

Sa pagkakataong ito, napahagulgol si Karen. Halos masabi na niya ang kanyang pinakatatagong sikreto nang muling magsalita si Francis.

"Naalala mo nung araw ng kasal natin? Tayong dalawa lang, kasama sina Stephen at Jeline. Pinanindigan kita kahit pa ayaw sayo ng mga magulang ko...

"Francis..."

"...kasi ganun kita kamahal. Ganun kita kamahal na kaya kong ipagpalit ang pamilya ko sayo."

"Francis... napakabuti mo sa akin... Patawarin mo ako."

"Patawarin? Bakit?"

"Hindi ako naging mabuting asawa sayo. Bago man lang ako mamatay, gusto kong ipagtapat sayo ang lahat."

Tahimik na lang si Francis... tila inuudyukan ang asawa na ipagpatuloy ang sasabihin.

"Totoong minahal kita. Maniwala ka. Pero natangay ako... Naalala mo nung kausap mo ang abogado mo anim na buwan na ang nakakaraan? Narinig ko ang buong usapan niyo. Paano mo nagawa sa akin iyon? Ibibigay mo ang lahat ng kayamanan mo sa mga bahay-ampunan pero ni isang kusing, wala kang iiwan sa akin? Sabi mo mahal mo ako pero bakit ganun? Kung may mangyaring masama sayo... wala akong makukuha kahit piso? Bakit? Bakit?!"

Hindi makapagsalita sa Francis. Walang bakas ng kahit na anong emosyon sa kaniyang mukha pero patuloy ang pag-agos ng kanyang luha.

"Nagalit ako sayo noon. Sa sobrang galit ko noon, sinubukan kitang lasunin. Narinig mo ba? Nilason kita. Pero mabait pa rin ang Diyos sayo. Walang nangyaring masama sayo... at ako naman ang pinarusahan ngayon. Ilang sandali na lang ang natitira sa buhay ko. Hindi ba nakakatawa iyon? "

" ... "

"Nang magsimula ang malubhang sakit ko... Nang mga unang linggo ko dito sa ospital, gusto kong sumabog. Gusto kong patuloy na magalit sayo pero hindi ko magawa. Parati kang andiyan. Walang araw na hindi mo ako dinalaw. Kahit na sinisigawan kita, tinititigan mo lang ako at hinahayang sumigaw ng sumigaw. Hindi mo ako iniwan. Napakabuti mo. Alam ko na hindi ako nararapat sa pagmamahal mo pero nagpapasalamat ako at hindi ka nagbago sa akin. Patawarin mo ako Francis. Francis?"

Hindi na nakayanan pa ni Francis... bigla siyang tumayo at nagmamadaling umalis ng kuwarto. Hindi niya mapigilan ang mga luhang kumakawala sa kaniyang mga mata. Habang naglalakad siya pababa ng ospital, halos lahat ng mga mata ay nakamasid sa kanya.... mga matang nakikisimpatya at nakaka-intindi. Isa... Dalawa... Sampung hakbang mula sa gusali ng ospital, bigla siyang napahinto. Ilang sandali pa, hindi na niya talaga napigilan... unti-unti, palakas ng palakas, pinakawalan niya ang iniimpit na tawa.

"Ikaw na rin ang may sabi, matalino ako. Kaya ako ang nakatayo ngayon, at ikaw ang nabubulok diyan."

Hindi na muling lumingon si Francis.

23 comments:

  1. correct me if im wrong pero sa pagkakaintindi ko, parang naggagamitan lang silang dalawa? and matagal nang nilalason ni Francis si Karen? anu ba ung main reason baket sila nagkaganito? wala naman akong nabasang third party lols

    ReplyDelete
    Replies
    1. pahabol lng, anu toh pera pera lng ang labanan? :)

      Delete
    2. Well, this is a story that is open to interpretations. I deliberately left out some details para mabanas... este mapaisip ang magbabasa. hehe

      Delete
  2. so si francis naman ang lumason kay karen?.. morbid..kakabasa ko lang ng lasunan din ng mag-jowa naman sa post ng isang blogger din..baket parang uso lasunan ngaun?hehe...

    ReplyDelete
    Replies
    1. Talaga? Naku. Masamanag pangitain iyan. Baka madami ang maglasunan niyan. hehe

      Delete
  3. Ang galing nito parekoy... Nadala ako sa drama tapos sa dulo biglang nabawi ang emosyon ko. haha
    Maganda yung comment ni pink line.. may lasunan :P

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ahihi. Ganun talaga. para iba naman. Parati nalang sweet sweetan eh.. patayan naman. bwahaha

      Delete
  4. Lupet!

    Lahat ng sakripisyo at oras na nilaan nila para sa isa't-isa para manggamit lang. Saklap tol!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ganun talaga. Para maiba naman. Puro na lang pa-sweet... lasunan naman. hehe

      Delete
  5. punong puno ng emotion ito, kahit na di naman ako isa sa mga may asawa, pero anu nga ba? si francis naman ang lumason kay karen?...

    hmmm...

    ReplyDelete
  6. bongga! ang ganda ng twist. bidang kontrabida pala si Francis haha :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat pareng zai. Ganun na ang uso ngayon... bawal na ang PURO na bida! hehe.

      Delete
  7. Ay bakit ganon ang ending? Parang nakakatouch sa umpisa, pero nakalito ang ending? It means ba na di nya love ang asawa nya? Anyway, you are the writer:) samat nga pala sa pagbisita. And by the way, stort teller ka pala. Galing naman.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Haha. Ganyan po talaga para may sense of mystery. Open to interpretations po ang ilan sa parts ng story. Salamat po sa pagbisita. :)

      Delete

  8. nabitin ako sa ending pero mahusay :D

    ReplyDelete
  9. I wonder bakit humantong sila sa gantihan, gamitan, lasunan...sad love story...or it's just the author ang nagpapahirap sa mga tauhan ng kwento? hahaha loko lang parekoy!

    ReplyDelete
    Replies
    1. haha. ganun talaga. bitter kasi walang lovelife! bwahahaha

      Delete
  10. Ikaw ba ang writer non Mr.Nightcrawler??? infairness ang ganda ha, sabi ko na may something sa ending eh :) keep on writing and posting good stories! Kudos!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Yup. nagsusulat ako pag tinotapak ako eh. hehe. Salamat po. I will. :)

      Delete
  11. Ang dami kong tanong, bakit ganun? Bakit may lasunan portion? hehe..

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ganun talaga... halata kasing walang lovelife ang sumulat kaya kailangan bawasan ang kasweetan... dapat lasunan! bwahaha

      Delete

paano ko malalaman kung ano ang problema mo kung di ka magsasalita? magsalita ka! MAGASALITA KA!