Sep 15, 2012

Anak ng tinapa!

Birthday nanaman ni pareng Kevin. Bilang napakabait niyang kaibigan, nais kong handugan siya ng kakaibang regalo. Isang video tape na naglalaman ng pagbati mula sa kanyang pamilya at iba pa naming barkada. At dahil ako ang may pakana, ako dapat ang bida.

"Pareng Kevin, maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin. Napakabait mo at..." bigla akong napatigil sa kalabog na narinig sa labas. Surpresa dapat ito kaya minabuti kong magtago sa likod ng kabinet.

May pumasok sa loob ng silid. Hindi lang isa kung ang mga yabag ang pagbabasehan. Hindi ako mapakali... Bukod sa prof kong naka-uwi na sa kanila, ako lang ang may susi sa kwartong iyon ng eskwelahan. Sino kaya ang mga ito? Hindi naglaon, umalis din ang mga pumasok sa kwarto. Nakapagtataka...

Lumabas ako mula sa kintataguan ko. Ano kaya ang pinagusapan ng mga iyon? Doon ko napansin na naiwan ko pala ang videocam ko sa may lamesa at patuloy ang pagrecord nito. Sinilip ko...

"Pareng Kevin, maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin. Napakabait mo at..."
" ... "
"Sigurado ka bang walang makakarinig sa atin dito?"
"Oo. Asar. Ang sabi sa akin andito pa si Kevin. Mag-isa at nagaayos ng gamit."
"Teka, nagtext si Titus. Nasa bilyaran daw ulit ang kumag."
"Gagong Kevin yun. Sa wakas... makakabawi na rin ako sa kanya. Patay siya sa akin."
"Tara na. Naghihintay na daw sa atin si Titus sa may labasan. Tambangan na natin siya dun sa bilyaran. Wala pa masyadong tao dun ng ganitong oras."

Kevin. Bilyaran. Bigla akong kinilabutan.

"The number you dialed is out of coverage area..."
"Asar! Bakit kasi hindi pa bumili ng bagong cellphone si Kevin eh."

"Hello pareng Roger! Nasaan ka?"
"Kasama ko si Dee. Ihahatid ko na siya sa kanila. Bakit?"
"Pauwiin mo muna siya mag-isa tol. Emergency lang. Kailangan kita ngayon na mismo."
"Ha? Bakit nga?"
"Basta hihintayin kita sa tindahan ni Aleng Fifi."

Hindi ko na hinintay pa ang sagot niya. Hindi maganda ang kutob ko. Iilan lang ang may pangalang Kevin sa paaralan namin at paborito nitong tambayan ang bilyaran. Sino kaya ang mga taong ito at bakit gusto nilang saktan si Kevin? Ang alam ko'y walang kaaway ito bilang masayahin at palakaibigan ito. Maliban na lang kung... Anak ng tinapa. Hindi kaya kasama sila sa mga listahan ng mga natalo ni Kevin sa bilyaran? Madalas nakikipagpustahan ang mokong na iyon sa kung sinu-sino. Palibhasa, walang makatalo sa kaniya sa bilyaran. Ang masama pa, ilang beses na rin siyang napaaway sa mga talunang "nadaya" daw nito. Sana mali ang iniisip ko. Pagdating ko kina aling Fifi, nakita ko ang dalawang lalaking nakunan ko sa video na nagaantay sa labas ng bilayaran. Naunahan ako. Kailangan ko na ng tulong...

"Hello police department..."

Bigla akong hindi makapagsalita. Si Kevin... Isinakay ng sapilitan sa puting sasakyan. Kalma lang. Hinga.

"Hello pulis. May irereport po akong..."

Anak ng tinapa! Battery Empty. Kumaliwa na ang sasakyan at hindi ko nakuha ang plate number ng sasakyan. Kalma lang. Hinga.

"Buknoy!"
"Roger! Huwag ka nang bumaba diyan sa motor. May hahabulin tayo. Dali!"
"Teka lang. Sino bang hinahabol natin?"
"Si Kevin. Tinangay ng dalawang lalaki. Bilis. Liko ka sa kaliwa."
"&^*% Buknoy! Wala ako sa mood sa mga trip mong ganyan ah!"
"Hindi ako nagbibiro. Basta direstso ka lang."

Hindi naglaon, naabutan rin namin ang puting sasakyan.

"Iyan na iyon... Huwag kang magpahalata. Distansya tayo ng kaunti."
"Sigurado ka bang sila iyan?"
"Oo."

Ilang kanto rin ang nilikuan nito bago tumigil sa isang garahe. Unang lumabas ang drayber ng sasakyan. Lumingon-lingon sa paligid. Nang masiguro nitong walang ibang tao sa paligid, pinalabas niya ang mga tao sa sasakyan. Lumabas ang dalawang lalaki na nakunan ko sa video at kasunod nila si pareng Kevin. Nakapiring.

"Anong gagawin natin?"
"Nasaan ang cellphone mo? Kailangan nating tumawag sa pulis."
"Pinahiram ko kay Dee. Nasira kasi cellphone niya eh."
"Anak ng... Walang kwenta ang mga cellphone na iyan!!!"
"Ano na ang gagawin natin?"
"Hindi nating pwedeng pabayaan si Kevin. Tatlo silang may hawak sa kanya. Kaya natin sila. Walang atrasan."

Pumasok ang mga lalaki sa loob ng bahay. Pumulot ako ng malaking bato. Hindi ako sanay makipagbasag-ulo pero hindi namin pwedeng pabayaan si Kevin. Nang malapit na kami sa pinto, biglang nagliwanag ang buong kabahayan! Marami ang nagsisigawan! Ano na ang nangyayari? Napatakbo kami ni Roger at nang buksan namin ang pintuan...

"Happy Birthday to you. Happy Birthday, Happy Birthday... Happy Birthday to you..."

Halos mawalan ako ng malay. Nakita ko ang mga lalaking dumakip kay Kevin na nakikipagtawanan sa kaniya. Ang mga ibang tao sa loob ay pawang pamilar ang pagmumukha... Tama. Madalas ko silang makita sa bilyaran.

"Hoy Buknoy! Roger! Anong ginagawa niyo dito?"
"Ah.. Eh..."
"Nasabihan ba kayo ng mga ito? Walanghiya... kinabahan ako kanina. Halos maihi ako sa pantalon ko. Iba talaga magbigay-pugay ang grupo ng mga tambay sa bilyaran. Surprise party daw para sa hari! Haha."

Biglang lumapit ang mga "kidnapers."
"Sabi ko sayo Kevin eh. Makakabawi din ako sayo. Pamatay ba ang surpresa namin sa HARI?"
"Ulol! Haha. Mga kaibigan ko nga pala. Si Roger at Buknoy."
"Buti nakapunta kayo mga tol. Kain lang kayo ah."
"Sa-Salamat."

Nakakahiya. Muntik pa ako tumawag ng pulis. Buti na lang puro walang kwenta mga cellphone namin. Haaay. Naghanap muna ako ng banyo bago kumain. Andito na rin lang ako, itinuloy ko na iyong video ko. Maayos pa naman ang hitsura ko... Hindi nagsisinungaling ang salamin.

"Pareng Kevin, maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin. Napakabait mo at..."

Bigla akong napahinto. May papasok ng banyo. Nakakahiya kung maabutan nila akong nagrerecord ng video kaya pumasok muna ako ng cubicle.

"Sigurado kang walang tao?"
"Oo. Wala pang pumapasok dito."

Sila ulit?

"Tuloy pa rin tayo mamaya. Walang magsususpetsya."
"Nakahanda na lahat ng gamit natin."
"Mabuti. Magpasarap ka na ngayon Kevin. Pagkatapos nito, patay ka sakin."

Anak ng tinapa!

33 comments:

  1. ikaw tuloy ang nasurpresa. Nadala ako sa kwento kala ko sa bandang huli ay fiction lang. muntik nako magskip read at ispoil ang sarili ko. lol. Para lang akong nanood ng sitcom. bitin sa huli. hehe. Happy birthday kay pareng kevin :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Haha. Pareng Archie(ang haba kasi ng archieviner eh), fiction lang iyan no! Naku. Basahin ulit. hehe.

      Delete
    2. Gwad! fiction ba? hindi naman ako nagskip read. inaantok na yata ako at di ko na maintindihan. lol 12am na kasi dito nung binasa ko yan. lol pero kung fiction nga talaga. ang galing mo

      Delete
    3. Haha. Tulog muna pareng Archie. Atleast pwedeng pagkamalang non-fiction kaya may sense of realism. hehe

      Delete
  2. habang binabasa ko to, nasa isip ko yung friend mo na naibida mo sa isang blogpost mo. iniisip ko kung kevin nga ang name nun.

    buti fiction nga

    ReplyDelete
    Replies
    1. sa dami ng na-feature ko na ditong friend, hindi ko alam kung sino sa kanila ang tinutukoy mo. hehe. buti nga fiction... kung totoo to, susulat na ako kay ate charo.

      Delete
  3. ang taba ng utak gumawa ng kwento. kapraning! hahaha

    ReplyDelete
    Replies
    1. hindi lang mataba ang utak, mataba din ang katawan. hehe

      Delete
  4. ang kewl! inaasahan ko na yung sa pagsurprise sa kanya pero hindi ýong sa dulo! galing!

    ang kewl din ng pangalang fifi. XD

    ReplyDelete
    Replies
    1. Haha. Alam ko kasing predictable na iyong surprise party kaya nilagyan ko ng twist. BUti nagustuhan mo. Yung mga pangalan diyan, halos lahat pangalan ng mga kaibigan ko. hehe

      Delete
  5. nice fictional story. pde mo to habaan at gawing nobela.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat. :) Mahirap gawing novel to kasi nakakapraning. hehe. May nagawa na akong nobela kaso nahihiya pa akong ipakita. Saka na... pag na-publish na.

      Delete
    2. will wait for that, sabihan mo lang ako. XD

      Delete
  6. may tamang paranoid lang. hehe. galing.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat pareng denggoy. Parang ako lang sa buknoy... may tamang sayad lang. hehe

      Delete
  7. Ano ba ang nakain mo at nakagawa ka ng ganitong sulatin haha!

    Pwede gawing teleserye LOL...

    ReplyDelete
    Replies
    1. Naku... sana nga gawing teleserye. Tapos bida diyan si John Lloyd. Tapos yayaman na ako! Yahooo!

      Delete
  8. Hapi bertday kay Kevin! Sana mabasa niya tong post na to, hehe.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Skip reader! haha. Basahin ulit. Welcome to my blog. :)

      Delete
  9. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  10. Wahaha, tamang kulet lang :D

    at wow, bago ang site banner mo parekoy ah!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Haha. Oo nga eh. Parang ayaw ko pa nga palitan nung una kasi may sentimental value. Iyon ang una kong banner dito sa blog ko. Pangalawa pa lang to sa buong blogging career ko. hehe.

      Delete
  11. haha nag worry pa naman ako ng malala para kay kevin!! dapat may part 2 haha :)

    galing galing,, clap clap ako sa sinulat mong ito :))

    ReplyDelete
    Replies
    1. Maraming salamat pareng Zai. Mukhang natuwa kayo sa story... baka nga gawan ko ng part 2. hehe. The Unfortunate Life of Buknoy. :)

      Delete
    2. cge abangan ko yang masaklap na buhay ni buknoy! :)

      Delete
  12. Hmm cliffhanger ang ending. OK ito ah. Salbahe siguro si Kevin kaya may mga kagalit? Hehe. O surprise uli yun???

    ReplyDelete
  13. Fiction lang pala..pero pwede na din sa tele-serye : ) Salamat sa pagdaan sa aking blog! Have a nice new week!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Kapag nakuha to sa teleserye, magpapamilk-tea ako!

      Delete
  14. ang galing tol.. try mo mag-wattpad!!! :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat po. Hindi ko po gamay ang wattpad? Ano po bang meron dun?

      Delete
  15. Happy birthday kevin! Charot! Ang gulo lang ng buhay ni pareng kevin, galing ng story telling mo..

    ReplyDelete

paano ko malalaman kung ano ang problema mo kung di ka magsasalita? magsalita ka! MAGASALITA KA!