Sep 23, 2012

Samu't Saring Kwento 15: Baguio

Pagsakay ko ng van, may umupo sa bandang harapan na magkuya.

"kuya, bili ako ng makakain natin."
"O sige. Punta ka dun sa tabing tindahan. Bili ka kahit ano." Sabay abot ng 50 pesos.
"Sige kuya. Balik ako agad. I love you."

"Kuya, anong gusto mo dito sa dalawa?"
"Kahit ano na lang."
"Ito na lang kuya. Di ba favorite mo to? Hati na lang tayo."

"Kuya, malapit na ba tayo?"
"Medyo malayo pa ading. Bakit?"
"Gisingin mo ako pag andun na tayo ha? Goodnight." Sabay halik sa pisngi.

This is unfair! Pahingi ng baby brother!
________________

Lumabas kami ng mga kaibigan para magdinner. Isa dun, kaibigan lang talaga pero nililink sa akin.
Habang kumakain...

"Kuya, nakilala mo na ba boyfriend ni ate?"
"Hindi pa nga. Hon(tawag ko sa friend na nililink sakin), pakilala mo sa akin."
"Dadaan daw siya dito mamaya."

Pagkakilala kay boyfriend...
"Kuya, wag kang magalala, lamang ka naman dun."
"Asus."
"Oo promise! Lamang lang siya sayo ng isang paligo..." sumasama sa pageant ang mokong "... pero lamang ka naman sa height!"
"Di nga?"
"Oo. Saka sa Tiyan. Saka sa baba. Pag tag-gutom, pwede nating isigang iyan!"
"Buset!"

Haha. Nakakatuwa na nakakabanas kapag kasama ang barkada.
________________

22 Things to do while I'm 22 Update

Number 9 : Meet at least 2 bloggers in person

Bilang paakyat ako ng Baguio to see some old friends at paakyat ng Baguio si pareng Asiong to start working, napagpasyahan naming magkita. Konting kwentuhan lang sana kung saan namin iwawala si pareng Denggoy sa aming hometown pero, SURPRISE! Umakyat din pala si pareng Denggoy! Napaaga tuloy ang meet-up. After dinner sa 50's diner, inuman sa... saan na nga ba ulit yun? Di ko na matandaan sa kalilipat namin. hehe. At konting paglalandi ni pareng Asiong sa receptionist ng hotel, naghiwa-hiwalay na kami. Kung nagtataka kayo kung bakit walang pictures, bigla daw nacamera-shy ang dalawa. Iyong isa, photographer at iyong isa may dalang digicam... camera-shy? haha. Di bale. Kapag sa hometown ko na, kailangan may pics. See you again soon. Sa mga ibang bloggers na malapit lang sa Dagupan, open din po ang invitation sa inyo. :)

Nga pala. Fail ang attempt ko na humiga sa gitna ng Session Road. Akalain mo ba namang sumabay pa ang ulan sa pagakyat ko. Ayoko naman magmukhang basang sisiw. Next Time na lang. :)




Sep 21, 2012

Sama ka sa Baguio

Sa wakas! Makakabalik na rin ako sa Baguio!
Opo...
Matapos akong konsensiyahin ng katakut-takot ng ilang mga kaibigan, makakabonding ko na ulit sila sa Baguio!
At dahil diyan, iiwan ko lahat ng stress at mageenjoy lang ako.
Kung meron man sa inyo na nasa Baguio, kitakits.

PS. Hindi ako uuwi hanggat hindi ako nakakahiga sa gitna ng Session Road! Wish me luck :)

Sep 18, 2012

Ang Paglaya

"Gaano mo ako kamahal?" tanong ni Francis sa kanyang asawa.

"Unang tingin ko pa lang sayo, iba na ang naramdaman ko. Alam ko magiging parte ka ng buhay ko. Hindi ko alam kung ganun ka rin sa akin pero alam ko, dun pa lang, nagkaroon ka na ng puwang sa puso ko."

"Alam mo ba na matapos kitang ihatid nung unang date natin, hindi agad ako umalis. Andun lang ako sa labas ng gate. Mahigit isang oras."

"Ha? Akala ko umalis ka pagkasara ko ng gate. Anong ginawa mo dun?"

"Tumingin lang ako sa langit. Nagpasalamat. Antagal kong naghintay ng isang taong gaya mo..."

"Gaya ko?"

"Gaya mo. Maganda. Mabait. Mapagbigay sa kapwa. Nangako ako sa Kanya na ibigay ka lamang Niya sa akin, araw-araw kitang paliligayahin... na mamahalin kita ng higit pa sa sarili ko. Dininig Niya ang panalangin ko, sinagot mo naman ako kinabukasan."

"Ang talino mo kasi... sa Kanya ka pa humingi ng pabor."

" ... "

"Naalala mo nung nagpropose ako sayo? Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Parang nabuo ang puso ko nang tanggapin mo ang singsing. Walang paglagyan ang saya ko nun... parang lahat perpekto. Maganda ang kalangitan. Maganda ang musika. Maganda ang pangyayari. Napakaganda mo sa suot mong pulang bestida."

"Naalala mo pa ang lahat ng iyon?" hindi na mapigil ni Karen ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga pisngi.

"Oo naman. Doon nakumpleto ang buhay ko. Doon nagsimula ang pangarap ko na kasama ka."

Sa pagkakataong ito, napahagulgol si Karen. Halos masabi na niya ang kanyang pinakatatagong sikreto nang muling magsalita si Francis.

"Naalala mo nung araw ng kasal natin? Tayong dalawa lang, kasama sina Stephen at Jeline. Pinanindigan kita kahit pa ayaw sayo ng mga magulang ko...

"Francis..."

"...kasi ganun kita kamahal. Ganun kita kamahal na kaya kong ipagpalit ang pamilya ko sayo."

"Francis... napakabuti mo sa akin... Patawarin mo ako."

"Patawarin? Bakit?"

"Hindi ako naging mabuting asawa sayo. Bago man lang ako mamatay, gusto kong ipagtapat sayo ang lahat."

Tahimik na lang si Francis... tila inuudyukan ang asawa na ipagpatuloy ang sasabihin.

"Totoong minahal kita. Maniwala ka. Pero natangay ako... Naalala mo nung kausap mo ang abogado mo anim na buwan na ang nakakaraan? Narinig ko ang buong usapan niyo. Paano mo nagawa sa akin iyon? Ibibigay mo ang lahat ng kayamanan mo sa mga bahay-ampunan pero ni isang kusing, wala kang iiwan sa akin? Sabi mo mahal mo ako pero bakit ganun? Kung may mangyaring masama sayo... wala akong makukuha kahit piso? Bakit? Bakit?!"

Hindi makapagsalita sa Francis. Walang bakas ng kahit na anong emosyon sa kaniyang mukha pero patuloy ang pag-agos ng kanyang luha.

"Nagalit ako sayo noon. Sa sobrang galit ko noon, sinubukan kitang lasunin. Narinig mo ba? Nilason kita. Pero mabait pa rin ang Diyos sayo. Walang nangyaring masama sayo... at ako naman ang pinarusahan ngayon. Ilang sandali na lang ang natitira sa buhay ko. Hindi ba nakakatawa iyon? "

" ... "

"Nang magsimula ang malubhang sakit ko... Nang mga unang linggo ko dito sa ospital, gusto kong sumabog. Gusto kong patuloy na magalit sayo pero hindi ko magawa. Parati kang andiyan. Walang araw na hindi mo ako dinalaw. Kahit na sinisigawan kita, tinititigan mo lang ako at hinahayang sumigaw ng sumigaw. Hindi mo ako iniwan. Napakabuti mo. Alam ko na hindi ako nararapat sa pagmamahal mo pero nagpapasalamat ako at hindi ka nagbago sa akin. Patawarin mo ako Francis. Francis?"

Hindi na nakayanan pa ni Francis... bigla siyang tumayo at nagmamadaling umalis ng kuwarto. Hindi niya mapigilan ang mga luhang kumakawala sa kaniyang mga mata. Habang naglalakad siya pababa ng ospital, halos lahat ng mga mata ay nakamasid sa kanya.... mga matang nakikisimpatya at nakaka-intindi. Isa... Dalawa... Sampung hakbang mula sa gusali ng ospital, bigla siyang napahinto. Ilang sandali pa, hindi na niya talaga napigilan... unti-unti, palakas ng palakas, pinakawalan niya ang iniimpit na tawa.

"Ikaw na rin ang may sabi, matalino ako. Kaya ako ang nakatayo ngayon, at ikaw ang nabubulok diyan."

Hindi na muling lumingon si Francis.

Sep 17, 2012

Samu't Saring Kwento 14: WOWOW


Natatawa lang ako dun sa last post ko.

Halata kung sinu-sino ang:
1) Mahilig magskip-read. Binasa lang iyong unang paragraph tapos naki-happy birthday Kevin din. Haha.
2) Tamad magbasa ng mahabang posts. Iyong ibang napapadaan, diretso sa mga mas maikling post. Sayang siguro ang oras... pwede pang magpromote sa ibang blogs. hehe
3) Talagang nagbabasa. Nakakatuwa lang lalo na pag totoong nagustuhan ang istorya. Ang hirap kaya mag-isip.

Wala naman akong masamang ibig sabihin niyan. Ang sa akin lang... andito ka na rin lang, basahin mo na. Wala namang bayad. :)

_____________

Totoo na talaga. Na-hack nga iyong yahoo account ko. Lahat ng important files ko, di ko ma-access. Gamit ko pa naman iyon sa maraming bagay -sa trabaho, sa pagaaral, sa pakikipag-usap, at sa pakikipag-landi. Haayy... Kaya mga parekoy, tandaan:

1) Hirapan at habaan ang password. Iyong tipong mahaba at mahirap na hindi kayang hulaan ng iba at hindi mo makakalimutan basta-basta. Wag shushunga-shunga.
2) Huwag ipagkalat ang password. Kahit pa si girlpren ang nagtanong, wag ibibigay. Pag nagpumilit, gumawa ka ng second account. hehe

Nakakalungkot lang. Matagal na sa akin ang account na iyan. In fact, ito ang pinaka-una kong ginawang email account nung first year high school ako. Ganyan ako eh... kahit maliit na bagay, nilalagyan ko ng sentimental value.
_____________

Speaking of sentimental value, kumusta naman ang ilang pagbabago sa blog ko. Una, tinanggal ko iyong automatic music player. Dalawang taon din sa blog ko iyon ha. Pangalawa, iyong banner photo ko. Sa mga kakulitan ko mula simula, ngayon niyo lang nakitang nagbago ang banner na iyan. Medyo asiwa pa ako... Ang baboy ko lang. haha.

May mga mangilan-ngilan mang pagbabago- ang music player, header, kahit iyong timbang ko; may isang bagay na hindi pa rin nagbabago at hindi ko matanggal. Hanggang ngayon, puyat pa rin ako. Insomniac since 2001(kasalanan ng WOWOW!).

Sep 15, 2012

Anak ng tinapa!

Birthday nanaman ni pareng Kevin. Bilang napakabait niyang kaibigan, nais kong handugan siya ng kakaibang regalo. Isang video tape na naglalaman ng pagbati mula sa kanyang pamilya at iba pa naming barkada. At dahil ako ang may pakana, ako dapat ang bida.

"Pareng Kevin, maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin. Napakabait mo at..." bigla akong napatigil sa kalabog na narinig sa labas. Surpresa dapat ito kaya minabuti kong magtago sa likod ng kabinet.

May pumasok sa loob ng silid. Hindi lang isa kung ang mga yabag ang pagbabasehan. Hindi ako mapakali... Bukod sa prof kong naka-uwi na sa kanila, ako lang ang may susi sa kwartong iyon ng eskwelahan. Sino kaya ang mga ito? Hindi naglaon, umalis din ang mga pumasok sa kwarto. Nakapagtataka...

Lumabas ako mula sa kintataguan ko. Ano kaya ang pinagusapan ng mga iyon? Doon ko napansin na naiwan ko pala ang videocam ko sa may lamesa at patuloy ang pagrecord nito. Sinilip ko...

"Pareng Kevin, maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin. Napakabait mo at..."
" ... "
"Sigurado ka bang walang makakarinig sa atin dito?"
"Oo. Asar. Ang sabi sa akin andito pa si Kevin. Mag-isa at nagaayos ng gamit."
"Teka, nagtext si Titus. Nasa bilyaran daw ulit ang kumag."
"Gagong Kevin yun. Sa wakas... makakabawi na rin ako sa kanya. Patay siya sa akin."
"Tara na. Naghihintay na daw sa atin si Titus sa may labasan. Tambangan na natin siya dun sa bilyaran. Wala pa masyadong tao dun ng ganitong oras."

Kevin. Bilyaran. Bigla akong kinilabutan.

"The number you dialed is out of coverage area..."
"Asar! Bakit kasi hindi pa bumili ng bagong cellphone si Kevin eh."

"Hello pareng Roger! Nasaan ka?"
"Kasama ko si Dee. Ihahatid ko na siya sa kanila. Bakit?"
"Pauwiin mo muna siya mag-isa tol. Emergency lang. Kailangan kita ngayon na mismo."
"Ha? Bakit nga?"
"Basta hihintayin kita sa tindahan ni Aleng Fifi."

Hindi ko na hinintay pa ang sagot niya. Hindi maganda ang kutob ko. Iilan lang ang may pangalang Kevin sa paaralan namin at paborito nitong tambayan ang bilyaran. Sino kaya ang mga taong ito at bakit gusto nilang saktan si Kevin? Ang alam ko'y walang kaaway ito bilang masayahin at palakaibigan ito. Maliban na lang kung... Anak ng tinapa. Hindi kaya kasama sila sa mga listahan ng mga natalo ni Kevin sa bilyaran? Madalas nakikipagpustahan ang mokong na iyon sa kung sinu-sino. Palibhasa, walang makatalo sa kaniya sa bilyaran. Ang masama pa, ilang beses na rin siyang napaaway sa mga talunang "nadaya" daw nito. Sana mali ang iniisip ko. Pagdating ko kina aling Fifi, nakita ko ang dalawang lalaking nakunan ko sa video na nagaantay sa labas ng bilayaran. Naunahan ako. Kailangan ko na ng tulong...

"Hello police department..."

Bigla akong hindi makapagsalita. Si Kevin... Isinakay ng sapilitan sa puting sasakyan. Kalma lang. Hinga.

"Hello pulis. May irereport po akong..."

Anak ng tinapa! Battery Empty. Kumaliwa na ang sasakyan at hindi ko nakuha ang plate number ng sasakyan. Kalma lang. Hinga.

"Buknoy!"
"Roger! Huwag ka nang bumaba diyan sa motor. May hahabulin tayo. Dali!"
"Teka lang. Sino bang hinahabol natin?"
"Si Kevin. Tinangay ng dalawang lalaki. Bilis. Liko ka sa kaliwa."
"&^*% Buknoy! Wala ako sa mood sa mga trip mong ganyan ah!"
"Hindi ako nagbibiro. Basta direstso ka lang."

Hindi naglaon, naabutan rin namin ang puting sasakyan.

"Iyan na iyon... Huwag kang magpahalata. Distansya tayo ng kaunti."
"Sigurado ka bang sila iyan?"
"Oo."

Ilang kanto rin ang nilikuan nito bago tumigil sa isang garahe. Unang lumabas ang drayber ng sasakyan. Lumingon-lingon sa paligid. Nang masiguro nitong walang ibang tao sa paligid, pinalabas niya ang mga tao sa sasakyan. Lumabas ang dalawang lalaki na nakunan ko sa video at kasunod nila si pareng Kevin. Nakapiring.

"Anong gagawin natin?"
"Nasaan ang cellphone mo? Kailangan nating tumawag sa pulis."
"Pinahiram ko kay Dee. Nasira kasi cellphone niya eh."
"Anak ng... Walang kwenta ang mga cellphone na iyan!!!"
"Ano na ang gagawin natin?"
"Hindi nating pwedeng pabayaan si Kevin. Tatlo silang may hawak sa kanya. Kaya natin sila. Walang atrasan."

Pumasok ang mga lalaki sa loob ng bahay. Pumulot ako ng malaking bato. Hindi ako sanay makipagbasag-ulo pero hindi namin pwedeng pabayaan si Kevin. Nang malapit na kami sa pinto, biglang nagliwanag ang buong kabahayan! Marami ang nagsisigawan! Ano na ang nangyayari? Napatakbo kami ni Roger at nang buksan namin ang pintuan...

"Happy Birthday to you. Happy Birthday, Happy Birthday... Happy Birthday to you..."

Halos mawalan ako ng malay. Nakita ko ang mga lalaking dumakip kay Kevin na nakikipagtawanan sa kaniya. Ang mga ibang tao sa loob ay pawang pamilar ang pagmumukha... Tama. Madalas ko silang makita sa bilyaran.

"Hoy Buknoy! Roger! Anong ginagawa niyo dito?"
"Ah.. Eh..."
"Nasabihan ba kayo ng mga ito? Walanghiya... kinabahan ako kanina. Halos maihi ako sa pantalon ko. Iba talaga magbigay-pugay ang grupo ng mga tambay sa bilyaran. Surprise party daw para sa hari! Haha."

Biglang lumapit ang mga "kidnapers."
"Sabi ko sayo Kevin eh. Makakabawi din ako sayo. Pamatay ba ang surpresa namin sa HARI?"
"Ulol! Haha. Mga kaibigan ko nga pala. Si Roger at Buknoy."
"Buti nakapunta kayo mga tol. Kain lang kayo ah."
"Sa-Salamat."

Nakakahiya. Muntik pa ako tumawag ng pulis. Buti na lang puro walang kwenta mga cellphone namin. Haaay. Naghanap muna ako ng banyo bago kumain. Andito na rin lang ako, itinuloy ko na iyong video ko. Maayos pa naman ang hitsura ko... Hindi nagsisinungaling ang salamin.

"Pareng Kevin, maraming salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin. Napakabait mo at..."

Bigla akong napahinto. May papasok ng banyo. Nakakahiya kung maabutan nila akong nagrerecord ng video kaya pumasok muna ako ng cubicle.

"Sigurado kang walang tao?"
"Oo. Wala pang pumapasok dito."

Sila ulit?

"Tuloy pa rin tayo mamaya. Walang magsususpetsya."
"Nakahanda na lahat ng gamit natin."
"Mabuti. Magpasarap ka na ngayon Kevin. Pagkatapos nito, patay ka sakin."

Anak ng tinapa!

Sep 14, 2012

For Gigi

Last night was our last bonding together. It was the first time that I was able to walk him outside the house because he doesn't want being dragged around on a leash. I was so proud. Somehow, maybe he knew it would be our last moment together and he wanted to please me one last time. He was more obedient than usual and more affectionate than I remembered.

I was about to take him out this morning when I saw him dangling from the other dog's leash. They had a fight and somehow the leashes got stuck on his neck. I couldn't even look at him directly. I wanted to blame everyone but I knew I was just as guilty for his untimely demise. He was the sweetest, most loyal, and most protective dog I've ever had... and I just lost him. I am so sorry. I wish we had more time together. Goodbye my friend. I'm missing you already.  

Sep 6, 2012

Samu't Saring Kwento 13: Sa totoo lang

Pagkabukas ko ng yahoo account ko, ito ang tumambad sa akin:


From Japan? Teka... Pilit ko talagang inalala. Nanggaling ba ako ng Japan kagabi? Bakit ang bilis ko namang nakabalik? Hindi talaga eh. Bakit at paano na-access ang account ko sa Japan?

Mga posibleng rason:
1) May naka-away akong Hapon at gustong maghanap ng pwedeng i-blackmail laban sa akin gamit ang account ko.
2) May nang-trip lang at nagtype ng random na email address at password(ang galing naman ng ******)
3) Nanggaling talaga ako ng Japan kagabi at di ko maalala ang mga pangyayari(parang Hangover lang)

Napa-isip ako kung papalitan ko ang password ko. Ayoko nung una kaso naalala ko... may press release pala ako na wala akong malaswang video at litrato. P*kening. Palit agad ng password. Okey na. My reputation is intact. Again, I repeat... wala po talaga akong malalaswang picture at video. Promise. Hehe.
__________________

Siguro naman pamilyar tayong lahat sa kaguluhang kinsasangkutan ni Senator Tito Sotto. Bilang isang blogger, nakakainsulto nang sabihin niyang hindi niya kokopyahin ang gawa ng isang blogger dahil sa blogger nga lang ito. Matapos ang ilang araw, umamin ang kanyang chief of staff na ginamit nga nila ang laman ng apat na blogs upang isama sa speech ng senador. Isang pagpapakumbaba ang inaasahan ng mga bloggers pero isang letter of apology na mapang-mata ang kanilang natanggap.

Matapos sabihing naging biktima siya ng Cyber Bullying ng dahil sa pangyayari, muli siyang nagtalumpati. Pero teka lang, muling umalma ang mga tao sa hindi maipagkakamaling muling pangongopya ng Senador ng kanyang talumpati... ngayon naman mula kay Robert Kennedy. "Hindi ko kinopya iyan... Bakit, marunong ba siyang magtagalog?"


Hindi ko alam kung nananadya siya o talagang obobs lang talaga. Nakakalungkot na ang isang Senador ng bansa ay walang konsepto ng Plagiarism... isang bagay na pinagsusumikapang pagaralan at iwasan ng milyon-milyong tao sa mundo. 

He stole. He lied. He's arrogant. Bakit ganun? Kung kailan retired na siya sa pagiging komedyante, ngayon pa siya pinagtatawanan. Nga pala, kinuha ko sa Inquirer.net ang pagkukumpara ng speech ni Sotto at Kenedy. O di ba? Hindi naman mahirap kilalanin ang gawa ng iba. 
____________________

22 Things to do while I'm 22 Update

number 14: Not lie for 1 whole week

Ito na siguro ang isa sa pinaka-mahirap gawin sa listahan. Paano mo sasagutin ang mga tanong na:

Maayos ba ang hitsura ko ngayon? - kahit araw-araw siyang pangit
May pag-asa kaya kaming magkatuluyan? - kahit may girlfriend yung gusto niya
Papasa pa kaya ako? - walang milagro!

Buti nairaos. Hindi nga ako naging sinungaling, naging snob naman ako sa kaiiwas sa mga tanong nila. Ngayon pwede na ulit... Kumusta na kayo mga naggwagwapuhan at naggagandahang mga nilalang ng Blogging community?


Sep 5, 2012

3 years of Boredom

It's official. Tatlong taon na ang lumipas mula nung una akong magpost ng entry dito sa aking blog. Wow. Tatlong taon. Kung baby lang ang blog ko, malamang nagsasalita na iyan. Kung girlfriend, baka engaged na kami. Kung asawa, malamang divorced na kami. hehe.

Binalikan ko iyong pinaka-una kong post... Nakakatawa lang. Heto ang pahapyaw:

1. I'm not inspiring at all. If anything, i am a bit on the rough edge. hindi lang halata 'cause i have a unique way of carrying myself. so if that's what you're looking for, find it somewhere else.
2. I don't have naked pics or vids of myself... yet. haha, just teasin'. I'm not that bored!
3. I'm an insomniac so expect that most of the updates will occur during night time or early morning. 

Tatlong taon matapos kong isulat iyan, hindi pa rin naman pala ako masyadong nagbago. Una, hindi pa rin ako inspiring. Kung meron mang mangilan-ngilang nabola, tsamba lang yun. Pangalawa, wala pa rin akong mga hubad na litrato o mga video na malaswa... wala pa!(sana huwag lumabas) Pangatlo, Insomniac pa rin ako! Certified Zombie.

Sa lahat ng mga natuwa, nakitawa, naki-iyak, at... sige na nga, mga na-inspire, maraming salamat sa tatlong taon ninyong pagsubaybay sa buhay ng puyat na nightcrawler. 

Sa lahat ng mga bagong kaibigan, ka-blogger, ka-usyoso, at mga parekoy, sana'y mas matagal pa ang pagsamahan natin at mas sipagin pa tayo sa pag-update ng ating mga blogs.

Sa lahat ng mga nabanas, nainis, at nakornihan, ayos lang. Kanya-kanyang trip lang iyan.

Sa lahat ng mga tuwang-tuwa sa kababasa pero di naman nagapaparamdam... huy! Mag-comment ka naman. Walang bayad. Promise. 

Happy 3rd Year Anniversary to my virtual home - stories from a bored nightcrawler

cheers

Sep 3, 2012

Samu't Saring Kwento 12: Ang writer

Nakahiligan kong mag-regalo ng libro sa mga kaibigan tuwing birthday nila. Bakit? Dalawa lang naman ang rason....

Una, mahilig akong magbasa ng libro. Alam ko marami ang nagkaroon ng phobia sa mga libro dahil sa mga pesteng teachers na akala mo ay nangangain ng estudyante pag hindi sila nakapagbasa ng reading assignment, pero hindi pa naman huli para baguhin yun. Katulong sina Maxwell, Albom, Fyfield at Grisham, iniisa-isa ko silang ginagamot sa kanilang karamdaman. Kapag malala ng konti... si Sidney Sheldon na ang kailangan.

Pangalawa... dahil gusto kong tumawa. Parati kong inaabangan ang mga reaksyon nila pagka-bigay ko ng libro. Merong:

Uhhhmmm... Salamat?! - Confused
Salamat lang ah. Salamat talaga!!! - Naasar
Thank you po. I really like it... - Ayaw talaga pero nahihiyang sabihin...
Thanks. You'll get yours sa birthday mo. - Nananakot. Babawian ako sa birthday ko.

at ang pinaka gusto ko sa lahat...

Wow! Thanks. Thank you so much. - Tuwang-tuwa... hindi dahil sa nagustuhan ang bigay na libro kundi dahil sa ako lang ang nagbigay sa kanila ng regalo aside from nanay at tatay nila. hehe.

Sana mas marami pang magkagustong magbasa. Hindi lang naman sina Sheldon at Fyfield ang magaling magsulat... kahit mismo dito sa atin ay marami rin. Andiyan sina Lualhati Bautista, Ricky Lee, Nick Jaoquin, Bob Ong at ang isang writer na kilala niyo sa bansag na borednightcrawler. Walang basagan ng trip.
___________________

Diet mode nanaman ulit. Kailangang apurahin dahil malapit na ang deadline ng listahan ko. Dahil diyan, pagsasabayin ko... 1 month jogging at 1 week vegetarian meals starting tomorrow. I need a miracle.